‘Ang Pangulo at ang Press’: Pooled editorial in Filipino
Introduction: President and press have common duty
Pooled editorial in English: The Prez and the press
Pooled editorial in Bisaya: Ang President ug ang prensa
Article continues after this advertisementNAKALULUNGKOT na kailan lang ay naging matalim at maanghang ang palitan ng pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte at ng mga taga-media. Naipit sa usapang ito ang tungkulin ng dalawang panig, sa batas at sa kasaysayan, na kapwa magsilbi at magbigay ng impormasyon sa mga mamamayan ukol sa mga isyu, pangyayari, at patakaran na apektado ang kanilang interes at kagalingan.
Ang Pangulo—chief executive ng pamahalaan, bukal ng patakarang panlabas, tagapangasiwa ng pondong bayan, punong-bantay ng kapayapaan, pinuno ng sandatahang lakas at pulisya, at arbiter ng magkatunggaling pakatakaran—ang pinakamapagpasyang focus ng balita sa buong bayan. Sa batas, mandato niya ang mamuno at magtaguyod ng transparency, accountability, at mahusay na pamahalaan.
Kasabay nito, itinataguyod din ng Saligang Batas ang karapatan ng mga mamamayan—free speech, free press, free expression, at peaceable assembly. Ginagarantiya din ng Konstitusyon ang karapatan ng lahat ng Pilipino sa due process, pagkapantay-pantay sa batas, access to information, katarungan at buhay.
Bilang “private eye” ng bayan sa public arena, ang news media ay nagsisilbing tanod at tagapangalaga ng ilan sa mga karapatang ito. Tungkulin ito na dapat gampanan ng mga taga-media. Sa dantaong paglalakbay ng Pilipinas mula demokrasya tungo sa diktadurya at balik demokrasya, pinagtibay na ito ng news media. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangang magsuri, magbusisi, at mag-imbestiga ang media ng mga opisyal at tanggapan ng pamahalaan, sa ngalan ng taumbayan.
Article continues after this advertisementIto rin ang dahilan kung bakit nakatutok ng walang humpay ang news media sa bawat pahayag at aksyon ng Pangulo, sa kabila ng kanyang nasabing pagka-inis sa mga tinatawag niyang “lowlife” at “mouthpiece” sa hanay ng media. Ang totoo ay dapat mag-ulat ng mas pursigido at mas magaling ang news media tungkol kay President-elect Duterte at sa kanyang mga patakaran at hakbang, ayon sa mahusay na panuntunan ng accuracy, fairness, at context sa lahat ng balita at kwento nito.
Ito ang dapat gawin ng news media sa gitna ng dalawang nakababahalang “mensahe” ni President-elect Duterte.
Una, aniya, ang mga “corrupt journalists” daw, “kaya namamatay ‘yan… karamihan dyan nababayaran na o sobrahan nila ang atake… Hinihingi ‘nyo, pumapasok kayo sa illegal.If you are a vulture of journalism, that’s not my problem.”
Sa mensaheng ito, tila kinukutya ang ala-ala ng 172 journalists, ayon sa huling bilang, na pinaslang in the line of duty mula nang maibalik ang demokrasya nuong 1986. Ang huling ulat ng marami mga napatay ay exposes ukol sa krimen at katiwalian—mga problemang bayan na nais mismong masawata ni President-elect Duterte. Nakakalulungkot na hanggang ngayon, wala ni isa mang mastermind o pangunahing suspek sa mga pagpatay na ito, kabilang na ang ilang ahente ng gobyerrno, warlord, at kriminal, ang naikulong at naparusahan na.
Ikalawa, sinasadya man o hindi, ito ang pahiwatig ng kanyang mala-bulkang pananalita: Dapat mag-ingat at mahintakutan ang mga nagbabalita. Sinasadya man o hindi, ang pahiwatig sa mga mamamahayag: Mahalaga man ngunit mapanuri ang tanong, asahang bulyaw at mura ang aanihing sagot.
Walang duda, problema ang korapsyon sa news media. Kasing linaw ito ng 16 na milyong boto na nakuha ni President-elect sa nakaraang halalan. Ang totoo, hindi lang ilang indibidwal kundi pati ilang tanggapan ng media ay nasasangkot sa ganitong masamang gawi.
Pero kahit saan man tumingin, ang korapsyon sa media ay isang supply-demand chain din. May papel sa isang solusyon sa problem ang Duterte administration: Isara ang gripo ng korapsyon. Marapat na istorya lang at wala nang iba pang bagay ang manggaling sa mga media agent ng gobyerno, mga pulitiko, at mga PR sa pribadong sektor. Sa salita mismo ni President-elect Duterte: “Stop it.” Isa pang solusyon ang dapat agad na gampanan ng mga tagapangasiwa ng media: Ayusin ang benepisyo at bigyang proteksyon ang mga mamamahayag.
Gayunpaman, bahagi na rin ng korapsyon sa media ang puilitika. Sa ilang lugar sa Pilipinas, nagaganap na ang institutional capture ng media ng mga pulitiko. Hindi lang block-time segment sa broadcast media ang binibili ng ilang lokal na pamahalaan gamit ang pondong bayan. Hindi lang blocktime kundi buong istasyon ng radyo o diyaryo ang binibili at ngayo’y kontrolado na ng ilang lokal na pulitiko at mga angkan. Ang korapsyon sa media ay nababahiran din ng partisan political interest—ito ay batid mismo ni President-elect Duterte.
Sa kabila ng tila ‘di pagkakasundo sa ilang bagay, nagkakaisa ng lubos ang media at si President-elect Duterte sa isang usapin: Ang agarang pagpasa ng Freedom of Information Law. Nangako na siyang maglalabas ng isang FOI executive order sa unang araw ng kanyang pamumuno. Ito’y magsisilbing paniguro na mabilis na gagampanan ng 17th Congress sa tungkulin nitong isabatas ang FOI.
Ang FOI Law ay mahalagang institutional at legal framework sa pagyabong ng tunay at lubos na ugnayan ng transparency at accountability sa pamahalaan. Ito ay proteksyon din sa karapatan ng lahat ng Pilipino na makatanggap ng sapat na impormasyon para sa kanilang lubos paglahok sa mga usaping bayan.
Inaasahan namin ang tagumpay ng Duterte administration sa lahat ng tunguhin nito. Bilang mamahayag at mamamayan, tutuparin namin ang aming tungkulin na magbalita ng tumpak at mahusay. Kasabay nito, itataguyod at ipagtatanggol namin ang free speech, free press, free expression, at right to know na karapatan ng lahat ng Pilipino.