“There’s something about rides that appeal to the Pinoy in a primal way: as a form of deliverance, perhaps, or transport in a more than physical—and almost spiritual sense.”
— Jose Y. Dalisay, Jr., “With Windows Open”
*
May pag-eensayo ang praise and worship team ng simbahan na dinadaluhan ko kaya sumakay ako ng traysikel mula Bel-Air hanggang dun sa shopping center sa Balibago no’ng araw na ‘yon. Kasama ko ang isang babaeng pasahero. Sa loob mismo ng traysikel siya sumakay. Ako ‘yung nasa likuran niya.
Habang tumatagal ang biyahe, napapansin kong may parang masakit sa bandang batok ko. Aba, nilalatigo na pala ako ng buhok ni ate!
Hindi ako na-inform na napaaga pala ang Semana Santa. E feel na feel naman niya ‘yung Pocahontas moment niya, so hinayaan ko na lang.
Pakiramdam ko nga na kumakanta siya ng “Colors of the Wind” sa isip niya habang bumabiyahe kami.
Sana nagsuot na lang ako ng face shield na abot hanggang batok, naisip ko.
*
Noong minsan naman, sumakay ako ng traysikel papunta ulit dun sa shopping center, mula Nuvali. Galing pa ‘ko sa trabaho, e kaso kailangan ako sa simbahan no’ng araw na ‘yon. Back-up singer kasi ako para sa mid-week service namin.
Kasabay ko si Rica, math co-teacher ko. Hanggang mismong Balibago Complex ang biyahe niya kaya nagpasya siyang sabayan ako mula sa labasan. Parehas kaming sumakay sa backride ng traysikel. Nasa gitna namin siya ‘nung drayber.
Nasa tapat na kami ng pabrika ng Coke nang magkaro’n ang kanang binti ko ng matinding pagmamanhid. Umabot ang manhid hanggang sa kanang paa ko kaya minabuti kong ayusin ang puwesto ko sa traysikel, baka malaglag kasi ako. Kaso, nang makita ko ang paa ko, nakasabit na lang pala ang sapatos ko, hanging on for dear life. Sa kasamaang-palad, hindi ko na napigilan ang paglaglag nito.
Biglang naging half-shoeless ako.
Napatunayan ko na ‘di lang pala kay Cinderella nangyayari ‘yung napupwersang magyapak ang isang paa. Posible rin pala sa ’kin. Well, at least, mas may laban sa kalye yung leather shoes ko, kaysa sa glass slipper nya.
Saksi si Rica sa pighating dinanas ko. At, gaya ng maraming mabuting kaibigan, tinawanan niya muna ‘ko bago ako tulungan. Tumawa na muna siya nang tumawa bago parahin si manong drayber.
Habang ‘di pa pumapara si kuya, pinanood ko na muna kung pa’no sinagasaan ng ilang kotse, traysikel, at isang trak ang kawawa kong sapatos. Tapos, kinaawaan siguro ng mga sumunod na drayber, kaya iniwas na lang nila ang mga sasakyan nila para di na madagdagan yung tama.
Bumaba ako sa traysikel at paika-ikang nilapitan ang sapatos ko.
Himala! Buhay pa naman! naisip ko.
Tiyak na magiging magandang advertisement ‘to para sa mga Marikina-made na sapatos, biro ko sa sarili ko. Kahit masagasaan, buhay! Ito ang tunay na matibay! Ito ang tibay-Marikina! ‘Yun nga lang, hindi sa Marikina kundi sa Sta. Rosa ko nabili ‘yung sapatos. Hindi applicable ang commerical na naisip ko, sadly.
Hinintay ako ni Rica at ni manong drayber. Hindi tumigil si Rica nang katatawa hanggang sa makarating at bumaba ako sa stop ko.
Nagpasalamat na lang ako sa Diyos at hindi half-shoeless akong pupunta at kakanta sa simbahan. Nagpasalamat na lang ako sa Diyos na natapos na rin ang Cinderella moment ko.
*
Nagmamadali akong sumakay ng traysikel papuntang Paseo de Sta. Rosa. Nalimutan ko na kung bakit, pero parang lakad namin ‘yun ng mga kaibigan ko papuntang Starbucks. Napasarap ako sa pagtulog no’ng umagang ‘yon kaya nahuli ako sa paggising at pag-alis. Hayskul pa ‘ko noon.
Walang dyip na masasakyan. traysikel lang na tuloy-tuloy na dumaraan sa kalsada. Hindi na ‘ko naging choosy pa. Pinili ko ‘yung unang traysikel na tumigil sa harap ko. ‘Di nagtagal, napuno ng mga pasahero ang traysikel.
Maayos naman ang biyahe namin hanggang sa malagpasan namin ang Greenfield. Narinig ko ang pagpiyok at pag-ubo ng makina ng traysikel. Parang wallet ko lang — naghihingalo kasi petsa de peligro na, kaya nanghihingi ng oxygen. In this case, nanghihingi yata ng gasolina ang traysikel.
Who in their right mind would drive their vehicle without gas or diesel? naisip ko.
“Ma’am, sir, baba na muna po kayo,” hiling ng drayber namin.
Akala ko ibabalik sa amin ang perang binayad namin, para makasakay kami sa ibang traysikel, o ‘di kaya’y baka naman magtutulak kami ng traysikel niya para makarating sa pinakamalapit na gasolinahan. Hindi pala.
Habang iniihaw kami ng matinding sikat ng araw, hinawakan ni manong drayber ang magkabilang dulo ng traysikel niya. Yinugyog niya nang husto ang buong traysikel. Sa liit ng katawan niya, ‘di ko inakalang magagawa niya ‘yun.
At para sa’n naman ang ginawa n’yang ‘to? naisip ko.
Pagkatapos, umupo siya at pinadyak ang pedal ng traysikel nang matindi para mabuhay muli ang makina. Bumalik ang sigla at ingay ng makina. Naunawaan ko rin kung bakit niya ito yinugyog sa gano’ng paraan.
Ito’y para masaid ang natitirang gasolina sa makina, para kahit paano ay makarating pa rin sa pinakamalapit na gasolinahan, kung saan makakakuha ng mas maraming gasolina — upang makalisan muli at makapasada, matapos kaming ihatid sa aming paroroonan.
*
Mukhang sanay na sa ganitong gawain si kuya drayber. Kabisado niya ang dapat gagawin para sa ganitong problema. Alam niya ang diskarte sa ganitong sitwasyon.
Sumakay muli kami sa traysikel, at binaba niya ang karamihan sa amin sa tapat ng Paseo. Tapos dinala na muna niya ang traysikel sa Caltex ng Paseo bago magsimula uli sa pamamasada. Naglakad na ‘ko patungong Starbucks para umorder at uminom ng paborito kong frappuccino.
Kung mangyari man ‘yon sa’kin, alam ko na kung ano’ng gagawin ko. Iyuyugyog ko rin ang sarili kong makina para mabuhay ang naghihingalong traysikel ko. Mahalaga ito dahil nilalabanan ko ang pighati at dalamhating dala ng mga lockdown at ng pandemya.
Kailangan ang bawat patak ng gasolina o diesel para umandar, para umabante. At kailangang manalig na may ibubuga pa, mukha mang said na, may patak pang natitira.
_
Hezekiah Louie R. Zaraspe of Biñan, Laguna teaches at Miriam College Nuvali and studies creative writing at the University of Santo Tomas graduate school. He reads and writes poems, essays and fiction, cooks carbonara, watches anime and K-dramas, and pets cats and dogs.
RELATED STORIES:
Habits I built to live through cancer