Pag-iisang may pag-ibig | Inquirer Opinion
LOVE. LIFE.

Pag-iisang may pag-ibig

/ 06:42 PM February 14, 2021

love life artwork photo 76

INQUIRER.net artwork by Marie Faro

Matagal ko nang naplano ‘yung gagawin ko sana sa araw na ito, last year pa. Gusto kong mag-volunteer work kako — hahanap ng ayos na organization, tapos sasali sa donation drive nila, o kaya sasama ako sa mga immersions kung meron. Basta ang nasa isip ko no’n, gusto kong tumulong. Sabi nga nila, “What greater act of love is there than the act of selflessness?”

Tinignan ko na agad kung anong araw matatapat ang araw ng pag-ibig sa taong 2021. Sunday. Sakto, wala akong pinaplano tuwing linggo maliban sa pagsisimba. Nakaugalian ko na kasing gamitin ang araw na ito bilang pahinga. Ayokong tumatanggap ng trabaho kapag Linggo, maliban na lang siguro kung nakatenggang gawain sa bahay. Yung paglilinis at pag-aayos ng labahin, sa linggo ko ‘yan ginagawa.

Article continues after this advertisement

Kung iisipin, nakamamangha kung paano natin binibigyan ng kahulugan ang mga araw ng taon. Bakit nga ba Linggo ang itinuturing na araw ng pahinga? Bakit may munggo kapag Biyernes? Bakit maraming ikinakasal kapag buwan ng Hunyo? Bakit umaaligid na si Jose Mari Chan sa mga mall pagpatak pa lang ng Setyembre? At bakit nga ba naging araw ng pag-ibig ang Feb. 14?

FEATURED STORIES

Hindi naman na ito bagong palaisipan. Noon ko pa nabasa, sa Tumblr pa nga ‘yun noon, ‘yung discussion na nagsasabing mga tao lang naman ang malay sa oras. Sapat na sa mga hayop na alam nila kung kailan lulubog at lilitaw ang araw. Ayos na rin sila sa kaalamang sa isang taon ay may panahon ng taglamig at tag-init. Tayo lang naman daw mga Homo sapiens ang nagkakandarapa tuwing umaga para makipagsapalaran sa EDSA papasok sa trabaho. Tayo lang ‘yung natataranta kapag hindi tayo nagising sa alarm natin kung kailan may naka-schedule na exam kinabukasan.

At tayo lang naman ang nagtakda na sa tuwing ika-14 ng Pebrero, kinakailangang ipagsigawan sa mundo na tayo ay umiibig at iniibig. Na parang kulang pa ang pagpinta ng pula sa mga kalsada, poste at silid para ipakita na love is truly in the air. “Hoy baka nakakalimutan mong Valentine’s Day ngayon?! Bilhin mo kami para ipakitang nagmamahal ka!” sigaw ni bulaklak, tsokolate at greeting card sa tindahan. Kung totoo ngang nakapagsasalita sila, pakiramdam ko’y mang-aalaska sila sa mga nananatiling single — by choice man or by fate. Kasalanan mo pa nga yata kung hindi ka mag-conform sa norm.

Article continues after this advertisement

Dahil kung tutuusin, isang social construct lang naman ang kasalukuyang Valentine’s Day, isinusuong lang ng mga kapitalista para pagkakitaan ang human emotions. Nagsisilbi siyang validation para sa mga nagsisimula pa lang. Ah, nagdate kayo? So, guaranteed nang seryoso kayo sa isa’t isa? Magtatagal na kayo? Gano’n ba ‘yon?

Article continues after this advertisement

Pwede rin siyang reset button para sa mga patapos na. Tara, sine tayo, baka sakaling matakpan ‘yung katotohanang nawawala na ‘yung attraction at bumalik bigla ‘yung sparks. Kahit na ang totoo ay mahirap nang panatilihing nakalutang ang barkong ilang beses nang nabutasan.

Article continues after this advertisement

Uy, don’t get me wrong ha, naniniwala pa rin naman ako sa essence ng araw ng pag-ibig. Kailan nga ba naging mali ang pagmamahal? Ang sa akin lang, masyadong limitado ang representasyon nito. Focused ang mga tao sa pag-iibigan ng dalawang tao at nawawala sa isipan nilang malawak ang saklaw ng pag-ibig.

Napag-isipan ko ‘to dalawang taon na ang nakalilipas. Thursday ‘yon no’n, Feb. 14, 2019, pero sa hindi ko na matandaang dahilan, wala kaming pasok sa araw na ‘yon. Baka tinamad na ‘yung mga prof. Valentine’s day nga naman, baka may mga kani-kaniyang plano ang mga tao. At sa amin din. Baka may ilan sa klase na nakapagplano na sa araw na ‘yon, kaya imbes na lumipad ang isip ng mga estudyante sa kung anu-ano, minabuti na lang na huwag munang magklase.

Article continues after this advertisement

Nag-isip din ako ng pwede kong gawin. Espesyal sa akin ang usapin ng love, kahit na ako mismo ay no partner since birth. Maituturing ko ang sarili kong isang hopeless romantic — binubuhay ng hindi makabuluhang konsepto ng pag-ibig na tanyag sa mga romcom ng Star Cinema at sa mga pelikulang Asyano. Gusto ko rin sana ipagdiwang ang araw na ‘yon, kahit na mag-isa lang. At bakit nga naman hindi? Naniniwala ako na ang lahat ng umiibig ay may sapat na dahilan para magdiwanag sa araw na ‘yon. Hindi lang naman romantic love ang meron sa mundo ‘di ba?

Hapon na nang nakapagdesisyon ako ng gusto kong gawin — UP Fair. Hindi pa kasi ako naka-attend ng concert o gig no’n, at wala rin akong gaanong alam sa mga kanta. Naisip ko lang na bakit nga ba hindi ako lumabas ng comfort zone ko? Subukan ko namang makisakay sa kaartehang “new year, new me, new experiences” na patok sa mga Gen Z [and Gen Zs at heart]. Kaya kahit medyo late na, tinyaga ko talagang maghanap ng ticket para sa gabing ‘yon (na laking pasasalamat ko at nakuha ko naman).

Alas-kwatro na nang makasakay ako ng UV sa bandang Taft. Wala pang mga tao no’n kaya napili ko ‘yung upuan sa may likod. Peace. Buong akala ko nga’y makakarating agad ako sa Diliman nang alas-sais, pero napagtanto ko rin kalaunan na kahibangan ang pag-iisip na ‘yon. Simula nang mapadpad kami sa U.N., na mas pinalala pa sa kahabaan ng España, nagsimula nang dumagsa ang anod ng mga commuters. Ganito pala ‘yung epekto ng love. Nakakabaliw. Nandadamay ng mga ayaw magpadamay.

Hindi ko maiwasang isipin ang sarili ko sa kalagayan nila. Malamang matagal na silang naghihintay, bakas ang pagod sa kanilang mga mukha. Yung iba nga’y parang natataranta na, nag-aalangan yata kung makakaabot pa sa itinakda nilang reservations. Para akong nasa state of enlightenment nang mga panahong ‘yon. Ganito pala ang Valentine’s Day sa Kamaynilaan. Bago kasi ako mag-aral dito, niyayaya ko lang si mama kumain sa labas. Hindi naman kailangan, pero hopeless romantic din kasi ‘yon. Tahimik lang. Malamig. Dito, kahit chaotic, may bahid ng init mula sa kaisipang pare-pareho kayo ng tinatahak. Lahat naman kami ay nagnanais lang na makauwi.

Nakarating din naman ako sa Diliman. Tingin sa relo. 7:34 p.m. Not bad.

Alam mo ‘yung pakiramdam na pagbukas mo sa balot ng kendi, dalawa pala ‘yung laman? O kaya ‘yung habang naglalakad ka, may mapupulot kang barya? Trivial lang naman kung tutuusin pero nakapagbibigay ngiti pa rin sa atin. Gano’n kasi ‘yung naramdaman ko habang naglalakad sa concert grounds. May kung anong kilabot na gumapang sa akin at nanatili sa labi ko. “Labas mo ngipin mo. ‘Yan lakihan mo pa,” utos niya. Rinig ko rin ‘yung pagsigaw ng kalooban ko: “Tangina, finally!” Hindi ko nga alam kung paano nangyaring pagod ako sa biyahe pero magaan ‘yung pakiramdam ko. Nakahinga ako. Ang liberating na muling maranasan maging in-charge sa takbo ng sarili mong buhay. Ang tagal na pala no’ng huli akong gumawa ng para sa sarili ko.

Kaya naman nilubos-lubos ko na. Sa gabing ‘yon, sa unang pagkakataon, naranasan kong manguna sa harap ng concert crowd. Nakitalon ako sa mga kanta ng Rivermaya. Nalaman kong may inclination din ako sa OPM gaya ng pagsubaybay ko sa mga Pinoy indie films. Lumamon ako ng shawarma at mango graham. Ginasgas ang lalamunan sa pagsakay ng Octopus at Anchors Away.

Sa madaling sabi, umuwi akong masaya. ‘Di bale nang nakasalubong ko nung gabi ring iyon ‘yung taong nanakit sa akin. Basta nakabuo na ako ng kasunduan sa sarili ko. Kahit anong mangyari, single man o hindi, gagawin kong espesyal ang mga Feb. 14 ko. Hindi ako magsasawang gunitain ang kagandahan ng pag-ibig.

Naituloy ko naman siya noong 2020, although aaminin ko, bahagya akong umasang hindi ko sasalubunging mag-isa ‘yung okasyon. Ang totoo niyan ay may niyaya ako last year, na-reject lang ako. Busy raw siya sa trabaho niya, saka ayaw daw niyang sumabay sa pagdagsa ng mga tao. Nangako naman siyang babawi siya sa ibang panahon. Yun nga lang, hindi pa rin dumarating ‘yung pagbawing sinasabi niya. Palaisipan pa rin sa akin kung may katotohanan nga ba sa kaniyang mga dahilan.

Ayokong gawing excuse ang aking pag-iisa para sumuway ako sa sinimulan kong tradisyon. Tuloy pa rin sa plano. Inuna ko ang pagsisimba. Gusto ko lang magpasalamat na nakayanan kong manatiling buhay nang isa pang taon. Tapos bumalik ako sa DLSU para sa blood donation drive. Bukod kasi sa gusto kong tumulong, gusto kong maka-alpas sa mga takot na kumukulong sa akin. Takot ako sa dugo, at gusto ko sanang baguhin ‘yon (na hindi ko rin napagtagumpayan dahil pinauwi ako ng doktor. Masyado raw malakas ang kabog ng dibdib ko. Baka mapahamak lang daw ako).

Kaya kung tatanungin ako ng kung anong gagawin ko ngayong Pebrero, sinasabi ko na agad na gusto kong tumulong. Gusto kong ituloy ‘yung hindi ko nagawa noon. ‘Di bale nang kasagsagan pa rin ng pandemya. Naniniwala naman ako na, gaya ng pag-ibig, malawak ang saklaw ng pagtulong. Kailangan ko lang i-tweak ‘yung nasimulan kong plano.

Besides, hindi mo naman kailangan ng engrandeng selebrasyon para sa araw na ‘to. Sabi ko nga, social construct lang naman ang araw ng pag-ibig, nasasaiyo na kung paano mo papakahulugan ito. Pwede mong ipagluto ang sarili mo, makinig sa radyo, mag-stargazing, maglinis para sa kapaligiran, unahin ang mga alaga mo, ang bayan, magulang, sarili. Pwede ring wala. Bahala ka kung gusto mong umibig sa araw na ‘to — ano man ang kahulugan ng salitang pag-ibig para sa ’yo.

May nakapagsabi sa akin minsan, ang hipokrito ko raw. Nagagawa kong punahin ang konsepto ng Valentine’s pero ako mismo ay lumilikha ng sarili kong mga tradisyong umiinog sa araw na ‘yon. “Magkaiba ‘yon ha!” sabi ko naman. Hindi ako nagse-celebrate ng Valentine’s. I’m just celebrating love.

Napag-usapan namin ‘to ng kaibigan ko nang magkasalubong ang landas namin sa Makati kinagabihan din mismo ng Feb. 14, 2020. Kagagaling kong manood ng pelikula, tapos siya naman ay kagagaling sa date kasama ng nililigawan niya.

“Ikaw, how do you define love?” pangungulit ko mula sa passenger’s seat. Parehas lang naman kasi kami ng building na inuuwian, kaya isinabay na niya ako pauwi.

“Kailangan ba may definition pa siya?” sagot niya habang inililiko ang manibela. “Iba-iba naman ang kahulugan niya, depende kung paano mo titignan.”

“Exactly!” sabi ko. “Iba-iba tayo ng conceptions on love, pero lahat tayo nag-a-agree na may love. Universal siya. Pwedeng hindi ka mag-celebrate ng Valentine’s, pero hindi mo maisasantabi ang pagdiriwang ng pagmamahal.”

Tiningnan niya ako, concerned yata at baka nakainom ako, at nagsabi, “Alam mo, ikaw pa lang ‘yung nakilala kong sobrang invested sa idea ng love.”

“Hopeless romantic eh,” sabi ko na lang.

Tapos ngumiti siya, natawa siguro sa pagka-naive ko. O baka sa sarili niyang nawalan na ng bilib sa pag-ibig. Gano’n kasi kapag tumatanda ‘di ba? Kinakain na ng pagiging praktikal.

“Sana hindi ka magsawang magmahal,” basag niya sa katahimikan. Pabulong lang. Hindi ko tuloy mawari kung para sa akin ‘yon o para sa kaniya. Napangiti na lang din ako.

Sana nga.

_

Phil Justin A. Pangilinan of Nueva Ecija studies at the University of the Philippines in Diliman. He writes about love in hopes that through it, his passion for writing and film would remain. As for Valentine’s Day, he shared, “Inaabangan ko ‘yung taon na hindi ko na ipagdiriwang nang mag-isa ang araw ng pag-ibig.”

RELATED STORIES:

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung bakit sumusugal pa ang ‘di makalimot

More than 14 reasons to keep going

love life inquirer lockdown call for essays

Image: INQUIRER.net/Marie Faro

TAGS: being single, solitude, University of the Philippines, Valentine's Day

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

© Copyright 1997-2024 INQUIRER.net | All Rights Reserved

This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.