Kung bakit sumusugal pa ang ‘di makalimot
Nagmamadali akong umalis noong araw na ‘yon, walang ibang dala kundi wallet, cellphone, saka susi ng tinutuluyan ko. ‘Di ko kasi namalayan ‘yung oras. Male-late na pala ako sa mga planong kabubuo lang din nung mismong araw na ‘yon.
Pinara ko agad ‘yung unang UV na nakita ko. Pagkapasok at pagkaupo, lahat ng tensyon na namuo sa aking isip at katawan ay humiwalay sa akin sa pamamagitan ng isang napakalalim na hininga. Saka ako natawa. Napahalakhak ako sa kawalan. Malakas. Halata sa mukha ng mga pasaherong kasabayan ko ang pagtataka. “Ano kayang nangyari sa lalakeng ‘to?,” pinararating ng kunot nilang mga noo. ‘Yung iba nga’y parang natatakot na, iniisip yatang nabaliw na ako. Sa isip-isip ko, baka nga nababaliw na talaga ako. Una, lumabas akong walang payong kahit na ang lakas ng ulan sa labas. Pangalawa, pumayag lang naman akong manood ng sine kasama ‘yung taong sinusubukan kong kalimutan.
Article continues after this advertisementHindi ko alam kung ano’ng tumatakbo sa isip ko no’n para maghatid sa aking pumayag sa paanyaya. Ilang buwan na kasi kaming ‘di nag-uusap nung nag-imbita. Akala ko ok na ako. ‘Out of sight, out of mind’, ika nga. Kaso biglang nag-chat. Hello raw. Kumusta na raw ako. Gusto ko raw bang manood ng sine? Tinitigan ko muna ‘yung mga messages habang iniisip kung may gagawin ba ako. Ayun meron. “Sorry pass ako,” tinayp ko sa cellphone. Ewan ko kung bakit ang nasend ay “Sige kita tayo.”
Bakit kaya isang pahiwatig lang, handa na naman tayong sumubok sa isang bagay na walang kasiguraduhang mapagtatagumpayan?
Lahat naman yata ng tao, minsan sa buhay nila, ay naranasan nang sumugal. Marami akong kilalang mas piniling magpagabi para sa gusto nilang tao kahit na alam nilang may mga gawain din sila kinabukasan. Kesyo kailangan daw ng tulong, may hinihinging favor, o ‘di naman kaya’y kailangan ng kasama. Kahit pagod na pagod na, sige pa rin. Hindi naman daw kasi nararamdaman ang pagod kapag umiibig ka, kahit ba matambakan pa ng trabaho. ‘Yung iba naman, literal na isinusugal ang trabaho. May kilala akong inuna ‘yung dinner invite ng kausap niya kaysa sa deadline ng boss niya para sa isang project. Nag-apura pa siyang umalis ng Makati para lang maiwasan ang traffic at para makarating agad ng QC. Nakarating naman siya on time, hindi nga lang sinipot nung kausap niya.
Article continues after this advertisementKung ako ang tatanungin, kaya sumusugal ang tao ay dahil nakakakita siya ng pag-asa. Delikado ang pag-asa. Parang drugs. Binubulag nito ang tao gamit ang sobrang optimism. Paboritong linya ng mga taong lumalaklak nito ang ‘baka naman’: baka naman magustuhan niya rin ako; baka naman iba na ang magiging takbo ng kwento ngayon; baka naman may mabuti pang mangyayari. Harsh ang mundo, alam ‘yan ng lahat. Malamang sa malamang ay masasaktan ka lang sa pagiging idealistic mo.
Napag-usapan din namin ‘to ni kuya. Tinanong niya ako minsan habang dalawa lang kami sa sasakyan. “What if may chance na maging kayo ulit nung TOTGA mo? Anong gagawin mo?”
Inaantok na ako no’n, kaya medyo nasungitan ko siya sa pagsagot: “May kailangan ba akong gawin? Got away na nga eh. Tigil na.”
“Hindi ka ba masasayangan sa mga pinagsamahan niyo? Paano kung kayo pala talaga? Hindi ka ba susugal?,” pagtatanong pa niya.
Pakiramdam ko nga’y may pinaghuhugutan, kaya’t ang sunod kong tanong ay, “Paano kung hindi?” Tumahimik na siya at nagpatuloy sa pagmamaneho.
Aaminin ko, may mga pagkakataong ako mismo ay umasa rin sa happy ending kasama ‘yung kikitain ko. Baka nga kaya ako pumayag in the first place ay dahil umaasa pa ako no’n. Masaya lang kasing alalahanin ‘yung mga kaganapan noong nagsisimula pa lang kami. Yung emotional attachment nga, tingin ko, kapag nariyan na, kahit gaano man kababaw, mahirap nang bunutin. Kaya rin siguro hindi madaling lumimot. Meron ka pa kasing pinanghahawakang maganda. Umaasa ka pang mauulit ‘yung kasiyahan na nakatatak sa iyong gunita. Sana gano’n na lang. Sana gano’n pa rin. Sana gano’n na lang lagi.
Pinatotohanan ito ng nakilala ko rati sa bus noong minsang pauwi ako ng probinsya, Mahaba-habang paglalakbay bago makarating sa amin. Nainip na siguro ‘yung katabi ko, kaya naghanap na ng makakausap para ‘di mapanis ang laway. Sa kasamaang-palad (biro lang), ako ang napagdiskitahan.
Ale na siya, siguro nasa late 40s. Nakita niyang may nilalaro akong game sa cellphone ko (na usual kong gawain kapag bumabiyahe dahil ‘di rin naman ako nakakatulog), at nagpatuloy na ikwentong gano’n din daw ‘yung bunso niya. Pero higit pa sa bunso niyang mahilig mag-cellphone, mas tumatak sa akin ang kwento niya tungkol sa asawa niya. Alam daw niyang may ibang babae ‘yung asawa niya, at ramdam niyang nawawala na nang tuluyan ‘yung interes nito sa kaniya. Alam na rin naman daw ng mga anak nila ‘yung sitwasyon.
“Bakit pa ho kayo nananatili sa kanya kung gano’n?,” tanong ko. Hindi naman ako chismosong tao, pero tutal siya na rin naman ang nagbukas ng usapin, sinunggaban ko na.
“Nangako kasi ako sa altar, hijo. Siya pa rin naman ‘yung minahal at pinakasalan ko. Siya ‘yung nakasama ko sa pagpapalaki ng mga anak namin. Naging masaya ako sa kanya, at hinding-hindi magbabago ‘yon,” malumanay niyang pagsasaad. Dama ko ‘yung puso n’ya habang nagkukwento siya.
“Hayaan mo hijo, maiintindihan mo rin ito ‘pag tumanda ka na,” sabi niya.
Parang ayoko nang tumanda.
Maihahalintulad ang paglimot sa pagtatanggal ng pintura sa pader. Kahit anong hugas ang gawin mo, maski anong kiskis sa semento, mabawasan man ang nakikitang mantsa dahil humalo na ang tinta sa tubig na umaagos pa-kanal, may marka pa ring maiiwa’t maiiwan. Sabi nga ng karakter ni Liza Soberano sa pelikulang “Alone/Together”: “Traydor ang mga alaala”. Hindi ka basta-basta makalilimot. Sa mga panahong gusto mo nang bumitiw, magpaparamdam ang mga alaala para meron ka muling mapanghawakan.
Pero huwag mong isiping masama ang pag-alala.
Noong hapon na ‘yon, habang nasa UV ako papunta sa isang sinehan sa may Quezon City, pinakikiramdaman ko ang sarili ko kung may nararamdaman pa ba ako para sa kanya. Baka meron pa nga. ‘Yun nga lang, hindi na sapat para gustuhin ko pa siya. Kamakailan ko lang napagtanto na hindi naman kailangang magbura o makalimot para makausad. Kailangan lang tanggapin na may mga markang bumabakas talaga kahit anong pilit nating kumawala. Baka hindi talaga nawawala ‘yung feelings. Forever na silang nariyan, nakatago sa kaibuturan ng baul ng damdamin. Minsa’y nagpaparamdam lang para ipaalala sa atin na minsan tayong nagmahal. Na tao tayo dahil tayo ay nagmamahal.
At nagmamahal ka kasi tao ka. Kaya ayos lang kung naaalala mo pa siya. Huwag mong sisihin ang sarili mo kung hindi ka pa nakalilimot. Ang mahalaga ay nakakausad ka. Baby steps. Darating ka rin diyan
Hindi mo rin naman habambuhay na pagmumunihan ang gamunggong mantsa sa pader ng iyong pagkatao. Balang araw ay makatatagpo ka ulit ng magiging pintor mo, na paunti-unting gagawing makulay ang narungisan mong mundo. Pwede ring ikaw mismo ang humawak ng brush Hayaan mong mabalutan ka muli ng samu’t saring kulay. Umibig ka muli. Magpakasaya. At kung sakaling hindi angkop ang nalikha sa iyong panlasa, huwag matakot na sumubok muli sa iba. Makagagawa ka rin ng obra maestra.
Dumating akong basang-basa sa itinakda naming tagpuan noong araw na iyon. Sakto ang dating ko ilang minuto bago mag-umpisa ang pelikula. Nakaabang siya sa may entrance, pinansin agad na may tumutulo pang tubig sa buhok ko. Huwag na niyang problemahin, kako. Niyaya ko na siyang pumasok.
Sa buong pelikula, hindi ko naiwasang mapatitig sa kaniya. Mas maganda pa ang flashback ng mga alaala kaysa doon sa pinanonood namin. Pinagmasdan ko lang siya. Ito pala ‘yung ginusto ko.
Pero wala na ‘yung kilig. Wala na rin ‘yung tuwa.
Noon ko lang ganap na nasabing wala na talaga. Pumayag akong makipagkita hindi dahil gusto ko pang sumugal sa kanya, pero dahil gusto ko nang maging payapa ang sarili ko mula sa mga nararamdaman ko. Acceptance, sa wakas. Hindi ko alam kung alam niya ‘yon. Hindi ko na lang din sinabi.
Matapos ang isa’t kalahating oras, nagwakas din ang pelikula. Nagsindi muli ang mga ilaw sa kaninang madilim na silid. Buti hindi niya nakita na kanina ko pa siya nililingon. Bahagya siyang nag-unat, saka siya humarap sa akin.
“Uy tapos na. Tara, kain tayo?”
Bumalik ako sa aking wisyo.
“Oo nga, tapos na.”
Tapos na nga.
_
Phil Justin A. Pangilinan of De La Salle University is from Nueva Ecija. A math and science geek, he is a fan of Philippine independent cinema, and “enjoys immersing himself in love (and the pain that comes along with it) through media, songs and literature.” He also enjoys talking to strangers because he “[believes] that everyone has a unique story to tell.”
https://www.facebook.com/inquirerdotnet/videos/2263942083864572/
RELATED STORIES:
From SG to KL, with a stranger turned friend