Siklo ng pagmomotorsiklo | Inquirer Opinion
LOVE. LIFE.

Siklo ng pagmomotorsiklo

/ 08:55 AM August 21, 2020

love life stock photo 67

INQUIRER.net stock photo

“Pupunta akong Tagaytay bukas,” ang buena mano kong mga salita na bumasag sa aming siklo habang nanananghalian. Kung tutuusin, ito na ang bagong siklo namin kada tanghali — ang kumain nang sabay-sabay habang nanonood ng balita sa TV — simula nang pairalin ang quarantine protocols noong Marso. Palagi na kasi kaming nasa bahay ng mga magulang at kapatid ko dahil nga sa work-from-home set up sa kani-kaniyang mga trabaho at gawa ng nausog pa nang nausog ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan.

“Anong gagawin mo sa Tagaytay, Kuya?” tanong ng bunso kong kapatid. Walong pares ng tenga at mata, at apat na ngunguyang bibig ang matiyagang nag-aabang sa isasagot ko pagkatapos lunukin ang kinakain. Sa gitna ng tanong at sagot, ang pagtapik ng mga kubyertos sa mga pinggan ang nagmistulang drum roll na sinabayan ng pagbabalita ng news anchor tungkol sa lumolobong kaso ng COVID-19 na bansa.

Article continues after this advertisement

Sumulyap ako sa kanila at nakitang nakatingin na sila sa akin. Binawi ko ang tingin at saka sinabing “Wala, trip ko lang mag-rides.” Nag-aabang ako ng reaksyon ng dahilan kong buho, pero pagtango pa ang nakuha ko. “Sus! Magigising ka ba?” nagtawanan sila sa kantyaw ng nanay ko na sinundan ng inggit na sana makakasama rin sila sa Tagaytay kahit sa givi box lang. “Kung pwede lang, e!” sabi ko.

FEATURED STORIES

Bibihira na kasi akong gumising ng maaga simula noong nagkaroon ng pandemya. Madalas kasi, tanghali na ang bangon ko, tapos rekta tanghalian na ‘yon. Ala una nagsisimula ang araw ko sa totoong buhay: doon palang lalabas para bumili ng pagkain ng aso, ng meryenda sa bakery, mag-withdraw kung mayroon man, o kung ano mang utos ang ibagsak sa ’kin sa bahay. Inasawa ko na ‘yata ang katamaran at kinabit naman ang pagbabad sa cellphone kaya natawa na lang sila noong sinabi kong aalis ako ng alas singko para mag-motor papuntang Tagaytay. Ilang beses na kasi nilang narinig ang mga plano kong paggising ng umaga para gumawa ng kung ano man tulad ng plinano kong paggising ng umaga para mag-jogging, o ‘di kaya’y gigising ng maaga para ayusin ang nawasak na body clock na kahit anong pilit ko, hindi ko matupad-tupad dahil madalas sa minsan, ang planong pagdilat ng alas singko ay nagiging pagpikit pa lang, habang niyayaya ang antok sa nagdaang mga buwan.

Kagaya ng nakararami, biktima ako ng pandemya, at biktima rin ang tiyansa ko sanang maging regular sa trabaho. Kinailangan kasing magbawas ng mga empleyado ang pinapasukan ko at isa ako sa mga pangit ang horoscope sa diyaryo noong araw na iyon. Nawalan ako ng trabaho pero higit pa roon, nawalan ako ng sistema — ang paggising ng maaga para mag-almusal bago magtrabaho, ang pagkain sa nakatakdang oras ng pagkain dahil may trabaho pang babalikan, ang ginhawa kahit papaano sa pagsapit ng alas singko ng hapon tuwing Biyernes.

Article continues after this advertisement

Nawalan ako ng siklo. Isinawalambahala ko na ang oras ng gising, kain at tulog mula noon. Nawalan na ako ng respeto sa oras at petsa mula noon. Mabuti na lang kada-Sabado ay mayroon kaming online classes sa Graduate School, kaya kahit papaano, napu-puwersa akong bumangon bago alas onse, na para sa akin, maliit na bagay man ay malaking tagumpay na sa linggo ko. Pero kalaunan, nagtapos din ang mga klase ko. Kung dati’y may isang araw akong may tiyak na gagawin, ngayon ay nawala na. Balik sa pangangapa. Balik sa wala.

Article continues after this advertisement

Noong lumuwag ang quarantine protocols at pinayagan na ang pagbiyahe ng motorsiklo, nagprisinta akong maging on-call delivery boy ng food businesses ng mga kaibigan at kakilala ko dahil kailangang kumita ng pera. Wala nang arte-arte, rekta na agad sa initan dahil may kailangang bunuin at mga bayaran. Kahit papaano, nagagamit din namang panustos sa mga bayarin ang kinikita sa pagde-deliver, lalo na ngayong mas gusto ng mga taong hinahatid sa mga pintuan nila ang mga pagkain dahil sa banta ng pagkakasakit kung pupunta sa mga matataong lugar. Mainit man, pawisan at nadagdagan ang kaitiman, tiis-tiis na lang. Ang mahalaga ay kumikita naman ako sa marangal na paraan, saka nawiwili rin naman ako sa pagmomotorsiklo.

Article continues after this advertisement

Hindi kalaunan, natigil din ako sa pagde-deliver. Nag-positibo sa COVID-19 ang tatay ko noong isang buwan kaya kailangan naming mag-home quarantine kasabay ng kaniyang pag-a-isolate sa quarantine facility sa loob ng dalawang linggo. Totoo ngang apektado ng pandemya ang kabuhayan. Totoo ring kahit hindi ako ang nagka-COVID-19, hindi biro ang epekto nito sa mental, pisikal at emosyonal na aspeto ko. Nariyan ang utak na hindi napapagod sa pangungulit na ipakalimot sa akin kung paano kumain sa oras, matulog at mag-isip ng mga nakakatuwang mga bagay sa gitna ng dinaranas ng aming pamilya. Nawala ang tanging pinagkakaabalahan ko sa loob ng labing-apat na araw. Nawala ang siklo ko, ang pagmomotorsiklo ko, ang takas ko.

Kaya siguro imbes na sita, e, biniro na lang nila ako noong nagsabi akong pupunta akong Tagaytay. Mag-isa. At naka-motor. Halos isang taon pa lang noong nagsimula akong magmaneho ng dalawang gulong at sa sulok-sulok lang ng Maynila ang nasusuyod ko gamit ang motor. Totoo naman — wala talaga akong gagawin sa Tagaytay. Puwede sanang mag-book sa Airbnb mag-isa para huminga mula sa mga nangyari sa bahay at buhay, kaso wala pang bukas at kung mayroon man, sa tingin ko’y hindi sila tatanggap lalo na’t hindi naman ako residente ng Tagaytay. Isa pa, wala rin naman akong balak na tumambay doon. Dumaan, puwede pa — sa paraang walang makakasalamuha sa malapitan habang naka-facemask, siempre. Kailangan din kasi nating tumakas. Kailangan natin ng hila mula sa ating nakalutang na mga problema, at para sa akin, natagpuan ko iyon sa pagmo-motor.

Article continues after this advertisement

Kinagabihan, inihanda ko na ang susuotin ko para sa ride ko kinabukasan. Dapat isputing, sabi ko sa sarili dahil matagal-tagal na rin simula noong huli akong lumabas. Pinili kong maigi ang porma, mula sa kulay ng t-shirt, hanggang sa pantalon, kung maong ba o jogging pants, pati sapatos — lahat. Para akong grade 2 na may field trip kinabukasan. Unang beses din kasing bibiyahe ako na walang dahilan. Unang beses ding mababasag ang siklo ko sa pamamagitan ng pagmomotorsiklo. Bibiyahe ako hindi dahil bibili ng kung ano man o magde-deliver. Bibiyahe lang. Walang kasi. Wala kasi. At ang mga biyaheng ganito ay walang kasing. At mas nakakasabik pa dahil unang beses, e. Parang sa unang beses mula noong nagkaroon ng mga quarantine labels, nagkaroon ako ng kinasabikan.

May kaakibat kasing pagmumuni-muni ang pagmomotorsiklo. Una, kung magmamabilis ka sa pagmamaneho, maiisip mong mag-hinay-hinay dahil may naghihintay sa ’yo pauwi ng bahay at inaasahan ka nilang uuwi tulad ng kung paano ka umalis: naka-helmet, gumagalaw, humihinga. Pangalawa, kung halimbawang may problema ka at iyon ang dahilan mo kaya ka nag-rides papunta kung saan man, may sampal sa mukha ang mundo (at hangin kung half-faced ang helmet mo) na tulad ng mga nadadaanan mo sa paligid habang nagmamaneho, lilipas lang din ang problemang nasa harapan mo ngayon.

Kung tutuusin, hindi naman talaga ako sa pagpapunta sa Tagaytay nasasabik kung hindi sa akto ng pagmomotorsiklo — sa akto ng pag-iisa. Sa ingay kasi ng mga balita sa TV, sa ingay ng mga nangyayari sa mundo, at sa ingay ng sariling isipan, nagkaroon ako ng masidhing gutom para sa pag-iisa na nakakamit ko sa akto ng pagsakay ng motorsiklo. Kung tutuusin, puwede naman akong mag-motor sa malapit lang. Pero hindi naman ang destinasyon ang importante, kundi ang oras — at kung gaano kahaba — ng pag-iisa. Mas malayong destinasyon, mas maraming oras para marinig ang sarili.

Mula sa kawalan ng trabaho hanggang sa pagkakaroon ng COVID-19 ng tatay ko noong nakaraang buwan (na sa awa ng buhay ay nalagpasan namin), pati na rin sa kung paano babayaran ang mga bayarin, ang akto ng pagmomotor ay pagkalimot. Siguro dahil kailangang nasa daan ang mata at isip ko, ginigitgit nito sa dulo ng utak at alaala ko ang mga pinagdaanan sa mga nakalipas na buwan ng pandemya. Para bang nawawala ka, pero sa mabuting paraan. Nawawala ka habang may destinasyong pupuntahan. Nawawala ka para muling matagpuan ang sariling binago ng karamdaman.

_

Benjamin Joshua L. Gutierrez of Cavite is a textbook writer and a graduate student of the University of Santo Tomas. Benjo to his friends, he spends his time writing and listening to hiphop. He won 2nd prize at the 69th Carlos Palanca Memorial Awards for Literature for his short story “Dahil Wala Kaming Tubig”. To everyone who endures hardships brought about by COVID-19, he wishes to say, “Kapit, yakap, padayon.”

https://www.facebook.com/inquirerdotnet/videos/2263942083864572/

RELATED STORIES:

Pagbili ng barbeque, paglunok ng katotohanan

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Remote

love life inquirer lockdown call for essays

Image: INQUIRER.net/Marie Faro

For more news about the novel coronavirus click here.
What you need to know about Coronavirus.
For more information on COVID-19, call the DOH Hotline: (02) 86517800 local 1149/1150.

The Inquirer Foundation supports our healthcare frontliners and is still accepting cash donations to be deposited at Banco de Oro (BDO) current account #007960018860 or donate through PayMaya using this link.

TAGS: COVID-19, escape, Family, motorcycles, tagaytay

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

© Copyright 1997-2024 INQUIRER.net | All Rights Reserved

This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.