Pagbili ng barbeque, paglunok ng katotohanan | Inquirer Opinion
LOVE. LIFE.

Pagbili ng barbeque, paglunok ng katotohanan

/ 10:23 AM August 14, 2020

love life stock photo 65

INQUIRER.net stock photo

Hindi na rin ako nagulat. Inasahan ko na rin namang wala na akong masasakyan na shuttle papasok sa village namin nang ibaba ako ng tricycle noong gabing ‘yon. Nagpasya na lang ako na maglakad pabalik sa bahay. At isa pa, wala na akong choice. Bitbit ko ang isang ecobag na puno ng maruming damit at sapatos, samantalang nakaipit naman sa isa kong kili-kili ang yoga mat na binili ko. Ibinaba ko rin nang kaunti ang face mask na suot ko dahil dumudulas ang salamin ko; kaso, dahil sa kaunting siwang na dala ng pagbaba ng face mask, lumalabo ito sa bawat paghinga ko.

Nang makarating ako sa tapat ng science school kung saan ako nagtapos ng hayskul, namataan ko ang Ram’s, isang kilalang ihawan dito sa village namin. Nag-crave ako bigla. Parang masarap ang inihaw na manok at isaw nila para sa hapunan, ang wari ko ‘nun. Dinahilan ko pa na wala akong pasalubong man lang sa kapatid ko.

Article continues after this advertisement

Hindi na tulad nang dati ang ihawan. Dati-rati, napakaraming kumakain rito. Karamihan ay galing sa paglalaro ng basketbol sa karatig na court. Ang iba naman ay mga trabahador sa konstruksyon, mga kapit-bahay, o mga estudyante. Lahat, siyempre, gutom. Karaniwan ay maingay rin dito. Palibhasa, dahil sa dami ng customer, nahihirapan rin sila sa pagtingin kung sino talaga ang nauna o nahuli sa pag-order. Ang iba’y marami pang hinihingi: suka, toyo, barbecue sauce, extra rice, plastik bag, at iba pa.

FEATURED STORIES

Lahat ng mga ito’y nawala na. Siyempre, ito’y dahil sa mga regulasyon ng lokal na pamahalaan na dala ng pandemya. Nagmistulang tahimik na immigration ng isang paliparan ang buong puwesto nito. May mga plastik na harang na mataas. Nagsisilbing barrier kumbaga.

Kami-kami lang ang naroon nang mga sandaling iyon: si Manang, kasama ang kanyang mga empleyado, ako, at isang mag-ina. Mas matangkad ang binata kaysa sa kanyang ina. Parehas silang nagmamasid kung anong bibilhin nila tulad ko, kahit alam ko na kung ano’ng gusto ko.

Article continues after this advertisement

“Ano sa ’yo, sir?” tanong sa ‘kin ni Manang. Binati niya ako ng kanyang ngiti.

Article continues after this advertisement

“Tingin-tingin lang muna po ako, ha.”

Article continues after this advertisement

Sa katunayan, dahil sa lumalabo kong salamin, hindi ko na matukoy kung ano’ng nasa harapan ko. Baka may magustuhan din akong isama sa naiisip kong iuwi, sabi ko sa sarili ko. Sinabi ko na lang ang gusto ko:

“Limang chicken barbecue at tatlong isaw po.”

Article continues after this advertisement

“Naku, sir, wala na po tayong isaw. Ubos na po.”

Sinubukan ko ulit na titigan nang maigi ang mga pagkain na nasa harap ko, pero hindi ko pa rin makita nang maayos ang mga ito.

“Tenga na lang po ng baboy at pork barbecue po, sir,” alok ni Manang.

“Sige, kuha ako ng tenga ng baboy. Bale, limang chicken barbecue at tatlong tenga ng baboy, ha.”

“Sige po, sir. Thank you po.”

Inabot ko ang pera ko’t hinintay ang aking sukli. Napatingin ako sa buong puwesto ng Ram’s. Napaisip ako: buti na lang, pagkain ang itinitinda rito; hindi masyadong naapektuhan ng COVID-19.

“Nakakatuwa naman kayo. Tuloy-tuloy lang ang operation, ‘no?” sabi ko.

“Naku, sir,” wika ni Manang, “Nagsarado rin po kami. Isang buwan rin po.”

“Ha? Anong nangyari po? Akala ko never kayong nagsara.”

“Yung nakikita ninyong pag-ihaw namin? Inubos lang po namin yung stock namin. Para ‘yon sa mga frontliner. Para sa mga doktor at nars ng Medical City. Tapos sinara na rin po namin,” paliwanag niya.

“Ah, gano’n po ba?”  Tumango ako.

Hindi ko inasahan na ang munting negosyong ito ay makakapagbigay ng anumang tulong sa isang malaking ospital dito sa Santa Rosa.

“Puwede bang umupo roon?” tanong ko. Tinuro ko ang mga bangko na malapit sa kahera.

“Opo, sir! Puwede po! Maupo po kayo.”

Basa pala nang upuan ko ang isa sa mga ito. Nabasa siguro dahil sa ulan.

Binalak kong ilabas ang binabasa kong libro ni Ricky Lee na dala-dala ko ‘nun. Nasa ika-apat na kabanata na rin kasi ako. Matatapos ko na rin sana ang “Para Kay B”, kaso nagpatuloy pa rin sa pagkuwento si Manang.

“Nagmahal nga po ang mga bilihin, sir. Sa katunayan po, ang dating two-forty na baboy kada kilo, ngayon two-seventy na!”

Sinabi niya sa akin ang mga problema’t alalahanin niya, na kahit mahirap hagilapin ang mga sangkap na kailangan nila sa pang-araw-araw na operasyon, sinisikap nilang maging parehas pa rin ang kalidad ng kanilang tindang pagkain.

“Kaya kami nagtaas ng presyo, sir, kasi hirap na hirap kami sa palengke. Kunsuwelo na lang namin ang kanin sa mga customer namin. ‘Yon lang ang hindi nagtaas sa ’min, sir.”

“Grabe po pala talaga.”

Ang mag-inang kasabayan ko’y patuloy pa rin ang pagtingin-tingin sa mga tinda ni Manang.

“Ano po ‘to?” tanong ng binata.

“Ah, ito? Hopia ‘yan,” sagot ni Manang.

“Anong klaseng hopia po?”

love life stock photo 66

INQUIRER.net stock photo

Ini-echo ni Manang ang tanong sa kanyang mga tauhan. Tila walang may alam kung anong sagot sa tanong ng binata.

“Surprise na lang raw, ha ha!” singit ko.

Binayaran ng ina ang isang piraso ng hopia. Kumagat at kumain ang binata nang kaunti nito.

“Baboy. Hopia baboy pala ‘to.”

Hindi ko nakita ang ekspresyon ng kanyang mukha, pero sa tingin ko’y ngumiti ito nang bahagya.

Dinala ng isang dalagang empleyado ni Manang ang kanilang order at sila’y umalis.

“Mabuti pa nga ang kalagayan po namin kumpara sa iba, sir.”

Ayon sa kuwento niya, mayroon siyang loyal na customer na bumibili sa kanya. Negosyante. May puwesto sa mall. Humigit-kumulang dalawang daang libong piso ang singil ng may-ari ng mall sa kaibigan ni Manang. Dahil sa tubig, kuryente, at singil sa mismong puwesto niya, hindi niya kinaya ang lahat ng gastusin, kaya nag-file for bankruptcy. Sama-sama silang mga kapwa negosyante ang bumuo ng grupo para tutulan ang ginawa sa kanila.

Hindi ako halos makapaniwala sa mga narinig ko. May ganid pa pala sa panahon ngayon? Hindi pa pala sapat ang pagpapahirap ng virus na ‘to. Dumagdag pa ang mga Pilipinong minamaltrato ang kapwa Pilipino.

Naalala ko ang sarili kong ina, kung paanong siya ay pinagmalupitan ng sarili niyang among Pilipino. Tiniis niya ang lahat na ‘yon mapag-aral lang kami ni Kuya at makapagpagawa ng bahay dito sa Pilipinas. Parehas naman silang accountant sa Saudi. Parehas na OFW. Halos gano’n din ang naranasan ng tatay ko roon nung nagtrabaho siya bilang graphic designer sa ilang advertising firm. Pilipino laban sa Pilipino.

Ba’t gano’n? Sabi ko sa kanya, sobra naman yang mga may ari ng mall na yan, mga walang puso.

“Oo nga, sir, eh. Grabe talaga!”

“Lahat tayo apektado: bata, matanda…”

“Mayaman, mahirap…” tinuloy ni Manang.

“May ngipin o wala.”

Naghintay akong makarinig ng tawa mula sa kanya dahil sa biro ko, pero kinain ng seryosong mood ang joke ko.

Hindi nagtagal, dumating na ang order ko. Nawala sa isip ko ang ipinunta ko sa Ram’s. Naalala ko lang ito nang iabot sa‘kin ang mga stick ng barbecue na nasa loob ng isang plastik bag.

“O siya, mauuna na po ako.”

“Sige po, sir. Ingat po sila!”

“Sige! Thank you!”

Inisip kong ilagay sana ang bagong luto na barbecue sa loob ng ecobag na dala-dala ko, pero nagdesisyon akong hawakan na lang ito sa kabilang kamay. Hindi ko gustong mahalo ito kasama ang mga maruming damit at sapatos na nasa loob ng ecobag.

Nang magsimula akong maglakad pauwi, nakaramdam ako ng pagpatak ng ulan. “Umaambon na pala,” sabi ko sa sarili ko.

Unti-unting nabasa ang buong katawan ko, dala ang aking ecobag, yoga mat, at plastik bag na mayroong barbecue, ang bukod-tanging nagbigay ng init sa’kin.

Malamig ang gabing iyon.

_

Hezekiah Louie R. Zaraspe of Biñan, Laguna teaches at Miriam College Nuvali and studies creative writing at the University of Santo Tomas graduate school. He reads and writes poems, essays and fiction, and also cooks and watches anime.

love life inquirer lockdown call for essays

Image: INQUIRER.net/Marie Faro

RELATED STORIES:

Remote

Where we live

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

https://www.facebook.com/inquirerdotnet/videos/2263942083864572/

For more news about the novel coronavirus click here.
What you need to know about Coronavirus.
For more information on COVID-19, call the DOH Hotline: (02) 86517800 local 1149/1150.

The Inquirer Foundation supports our healthcare frontliners and is still accepting cash donations to be deposited at Banco de Oro (BDO) current account #007960018860 or donate through PayMaya using this link.

TAGS: COVID-19, creative nonfiction, essays, landlords, malls, nonfiction, OFW, Ricky Lee, social injustice

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

© Copyright 1997-2024 INQUIRER.net | All Rights Reserved

This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.