Wala sa katawan
Tulad ng marami, lumaki ako sa paniniwala na responsibilidad ng isang tao kung paano siya tingnan at pakitunguhan ng lipunan. Bahagi ng pagbasa sa ‘yo ng ibang tao ang mga pinipili mo sa pagpapakilala ng sarili. ‘Ika nga ng nakatatanda sa amin, “Nasa may katawan ‘yan.”
May pinupunto man, pero masyado nang mababaw, limitado, at kupas na ang ganitong pagpapahalaga sa tambalang “tinitingnan-tumutingin.” Ang tunay at higit na usapin ay kung paano natin pinahahalagahan ang pagkatao ng bawat isa, ang kolektibo nating responsibilidad, at ang karapatan ng indibidwal sa sariling katawan.
Article continues after this advertisementNapakababaw na pamantayan ang pag-akibat ng adik sa pagkakaroon ng tato, ng bawas-pagkalalaki sa pagsusuot ng pink, at ng pagiging bastusin sa pagsusuot ng maikli. Wala sa uri, kulay, o sukat ng bihis ang tunay na pagpapakahulugan: hindi ang may-bihis ang ipinakikilala ng husga kundi ang humuhusga.
Bakit limitado sa “may katawan” ang usapin kung sa katunayan ang proseso ng pagpapakahulugan ay nagsisimula, nangyayari, at nagtatapos sa “may isip,” sa (dapat na) nag-iisip?
Para sa akin, isang biyaya ang progresibo’t bukas na pag-iisip ng bagong henerasyon. Naniniwala akong pinalaki man tayo sa tradisyunal at konserbatibong mga paniniwala, nagbabago ang ating pag-unawa sa mga usapin sa lipunan: pumipiglas tayo sa pagsikil, kaakibat ang lubay at pagdududa sa iba’t ibang usapin.
Article continues after this advertisementPero hindi pa lubusan ito, at di pa sa lahat ng tao. Makaririnig pa rin tayo ng magsasabing kasalanan ng tao kung bakit s’ya mapagsasamantalahan: kung babae, kasi maikli ang suot; kung lalaki, kasi hindi lumaban kahit pwede naman. Paano raw di paghihinalaan e puro tinta ang katawan, mukhang ‘di gagawa ng mabuti. Ang sisi ay sa s’ya pa na sinaktan. Nakakagalit na sa panahon ngayon, may puwang pa rin ang ganitong baluktot na katuwiran. At dahil baluktot, dapat ituwid.
Kailangan nating ipagpatuloy ang pakikilahok sa mga usapin. Kung kailangan mang magpaulit-ulit ng pagsaad ng posisyon (tulad ng inuulit lamang din ng sulating ito), umulit. Kung may kaguluhan man, kung may tanong man, gaano man kahangal ang tanong, kailangang sagutin ito. Tulad ng sabi ng isang karakter sa isang Norwegian web series na pinanood ko kamakailan, tungkol sa usapin ng Islamophobia at sa pagtugon dito ng Muslim na kaibigan, mahalaga ang mga “stupid questions” at lalo na ang pagsagot sa mga ito. Sa pagtatanong magmumula ang pag-uusap, pagpapaliwanag, pag-unawa, at pagbabagong-tanggap.
Walang puwang ang pananahimik sa pagkakataong maaaring maiwasto ang mga maling paniniwala na ating kinalakhan. Umimik tayo. Magpaliwanag. Magturo. Hanggang maitama natin ang mali, maituwid natin ang baluktot, at malayang maipahayag ng may-katawan ang sarili. Hanggang maging pang-araw-araw na bihis ng may-isip ang responsibilidad na panatilihin ang kalayaang ito.
_
Kevin Alcantara Amante of Imok, Calauan studied at Laguna State Polytechnic University. Aside from reading and writing, he enjoys watching movies and series. He says, “Silence should never be an option, especially when it perpetuates the inconvenience of others.”
RELATED STORIES:
A pandemic, a pregnancy, and perseverance
https://www.facebook.com/inquirerdotnet/videos/2263942083864572/