Paanyaya
Hindi ako lumalangoy sa dagat dahil hindi ko naiintindihan ang mundo sa ilalim nito. Nakakatakot ang mga bagay na hindi ko naiintindihan. Ngunit nagawa kong lumusong dahil sa ‘yo.
Tingin ko, tayo’y mga alon na umaalis at bumabalik sa dalampasigan, kung saan humahalik ang baybayin sa tubig-alat, sa ilalim ng dapithapon na kumukulay sa kalawakan ng langit at panatag na tubig. At iniipon natin ang mga butil ng buhangin ng ating mga alaala, mula noong tayo’y tumalon sa tubig kahit hindi pa marunong kumampay at lumutang.
Article continues after this advertisementKahit nakakalunod ang damdamin, kahit mahapdi sa mata ang tubig-dagat, nanatili tayong nasa tubig, naglunoy sa pag-asang muli tayong lulutang. Hindi naging madali ang paglangoy, kasi kapwa tayo hindi marunong. Nasaktan natin ang isa’t-isa sa pagkukumahog nating makahagilap ng hangin.
Nang tayo’y natuto nang lumangoy, napagtanto nating malayo na pala ang ating narating, ngunit sa magkahiwalay na direksyon. Sinubukan nating lumangoy pabalik sa isa’t-isa, ngunit mahapdi ang ating mga sugat na hinahalikan ng tubig-dagat. Hinahampas tayo ng alon palayo, at naisip nating magpatianod na lamang – bahala na, kung saan man dalhin ng tubig.
Gaya ng lahat ng sugat, naghilom ang sa atin. Hinilom ng dagat. Lumipas ang mga taon ngunit nanatili tayong bahagi pa rin ng iisang dagat. Malayo sa isa’t-isa ngunit iisang tubig ang nilalangoy.
Article continues after this advertisementHanggang sa humampas nang malakas ang alon, at sa ‘yo ako dinala. Marunong na tayong lumangoy ngayon. Hindi na tayo tanga sa direksyon ng mga alon. Ngunit mahal, hindi pa natin naaaral lumangoy nang magkahawak-kamay. Maaaring masaktan muli natin ang isa’t-isa, ngunit ngayon, ako’y nangangako – hindi na ako bibitaw. Dahil alam kong paghihilumin ng dagat ang kahit anong sugat, at ‘di lalaon, matututunan natin kung paano magkasamang lumangoy papunta sa iisang direksyon, kung saan man iyon, basta kapiling ka.
Tinatanaw ko na lamang ang dagat noong mawalay ka sa akin. Ngunit ngayon, lulusong akong muli para sa ‘yo. Sasamahan mo ba ako?
_
Jemaima M. Robles is a freelance web content writer from Taytay, Rizal. She is taking her masters for Malikhaing Pagsulat at the University of the Philippines. Jem to her family and friends, she enjoys traveling, watching movies and reading books. She has this shoutout for a dear one: “Berlin, salamat sa kalatas na may pag-ibig na nagpapahilom ng lahat.”
RELATED STORIES: