Pebrero na naman, marami na naman akong makikitang pares-pares sa mga pasyalan, mga ibinibentang pang-regalo na minsan ang sakit sa mata, at nagkalat na naman ang kapulahan kahit saan ako magpunta. Ano bang meron? Ordinaryong araw lang naman ‘yang Valentine’s Day, ‘di ba? O baka naman naging national holiday na at hindi ako nasabihan.
Alam ko kung ano ang iniisip mo. Ang bitter naman nito. Kung wala kang ka-date, huwag kang ampalaya. Hindi naman talaga ako ganito kapait kapag buwan ng Pebrero, pero dahil sa mga pinagdaanan at naging karanasan ko, tila ba tinik na sa lalamunan ko kapag sasapit ang ika-labing-apat ng buwang ito.
Lahat na siguro ng dating apps, nasubukan ko na, sa pag-aakalang mahahanap ko si “the one” sa mga ‘yun. Pero imbes na saya at kilig ang makuha ko, problema lamang ang napala ko.
Sa dami nilang nakilala ko sa mga app na iyan, hindi ko sila kayang isa-isahin, pero may iilan akong hindi makakalimutan. Una na dito si Patrick, nag-match kami sa isang dating app. Nag-usap ng ilang araw hanggang sa napagkasunduan na magkita ng personal. Naging maayos naman ang una naming pagkikita, nasundan pa nga e. At dumating pa nga sa punto na tinutulungan ko siya sa mga kailangan niyang ipasa. Pero biglang nanlamig ang pakikipag-usap n’ya hanggang sa tuluyan na nga siyang naglaho. In short, na-ghost ako.
Nasundan ito ng isang reto mula sa kaibigan. Si James. Kahit na hindi ako naniniwala at wala akong bilib sa mga reto, hindi din naman ako umatras. Lagi ko kasing naiisip, baka ito na ‘yung hinihintay ko. Nakakatawang kausap si James, marami siyang baong kwento na may dalang punchline. Syempre, sino ba naman ang hindi kikiligin sa mga banat na ganu’n, ‘di ba? Halos isang linggo din kaming nag-usap pero tulad ng nauna, naglaho din siya na parang bula.
Nasabi ko noon sa sarili ko na tama na, pero dahil matigas ang ulo ko, muli akong sumubok. Nakilala ko si Neil sa dating app ulit. Ilang araw din kaming nag-usap hanggang ang birong magkikita ay naging totohanan, kaya naman napagkasunduan naming kumain sa labas at maglibot-libot sa mga pasyalan.
Noong pauwi na, biglang sumagi sa isip ko, ako pala ang nagbayad ng lahat ng kinain namin. Hindi naman ‘yun problema, pero kasi, siya mismo ang nagsabi sa akin na kanya-kanyang bayad daw dahil kulang ang pera niyang dala. Ang masakit pa, pagkatapos ng pagkikita, tulad ng mga nauna, nawala na din siya.
Akala niyo ba nadala na ako? Hindi pa.
Isa na namang reto ang pinatulan ko. Kakilala siya ng kaibigan ko, tapos ang sabi, seryosong relasyon ang hanap. Nabuhayan ako ng loob na baka ito na talaga ang hinihintay ko, baka siya na ang Romeo ko, o kaya ang Chandler ng buhay ko.
Gaya ng mga nauna, ilang araw at linggo din kaming nag-usap habang halos dalawang araw naman kaming magkasama. Mabait si Raphael at maalaga pa. Noong wala akong payong habang umuulan, nilagyan niya ako ng panyo sa ulo para daw hindi ako magkasakit. Hinatid niya din ako mismo sa bahay kahit ilang beses na akong tumanggi. Walang problema, malakas ang pakiramdam ko na ito na ang inilaan para sa akin.
Noong gabi na, napagplanuhan namin na uminom sana. Dahil sa tukso ng mga barkada, nautusan ako kasama si Raphael na bumili ng alak. Habang naglalakad, marami kaming napag-usapan, mas nakilala ko siya at inisip ko na sana ganoon din siya sa akin. Ngunit noong malapit na kami sa tindahan, bigla siyang nagtanong kung ano daw ba ang inaasahan ko sa pagkikita naming dalawa. Nahirapan ako sa tanong, kaya ibinalik ko sa kanya, “Ikaw, ano ang inaasahan mo?”
Hindi ko alam kung mali ba ang pagkakadinig ko, pero sapat na ang linaw para maalala ko: “Patuloy tayong mag-uusap pero bilang magkaibigan.” Nawala na ako sa mga sumunod niyang sinabi, hanggang sa nagbiro pa siyang lokohin daw namin ‘yung mga kaibigan namin, na siyang tinawanan ko lang. Maya-maya, inakbayan na niya ako habang papasok sa bahay. Ito namang mga kaibigan namin, ang lakas ng tukso. Palibhasa hindi nila alam kung ano’ng nangyari.
Pagkatapos ng gabing ‘yun, iniyak ko lahat ang kaya kong iiyak, at dito, nasabi ko na talaga sa sarili ko na tama na, pahinga muna. Marahil marami sa inyo ang magsasabing hindi kasi ako nadadala. May mga kukunot siguro ang noo dahil sa mga pinaggagawa ko. Huwag kayong mag-alala, nauntog na ang ulo ko, natuto na.
Sa mga nagtataka kung ano ang gagawin ko sa araw ng mga puso, ituturing ko itong ordinaryong araw. Papasok ako sa trabaho, magpapasa ng mga kailangan, at diretsong uuwi sa bahay. Syempre, hindi naman mawawala na hindi tumaas ang aking kilay sa mga masasayang magdiriwang. Pero hindi ko na lang papansin ang mga iyan, dahil ngayong taong ito, plano kong mahalin ang aking sarili at gawin ang mga bagay na matagal ko nang gusto.
At sana, ganoon ka din.
Kung hindi pa dumadating si “the one,” huwag kang mainip, OK lang ‘yan. Ibaling mo na lamang muna sa ibang bagay ang iyong atensiyon, at tulad ng nabanggit ko, sikapin mong mahalin ng husto ang sarili mo, kasabay ng mga taong laging sumusuporta sa ’yo. May pag-ibig din d’yan, pag-ibig din ‘yan, kailangan lang nating tandaan.
_
Kristhel Joy A. Dalanon is a fourth year Broadcasting student from Bicol University. She currently lives in Legazpi Albay, but her roots are from Capaculan, Masbate. She also serves as editor-in-chief of Budyong, the official student publication of her university’s College of Arts and Letters. You can catch her reporting as “Kristhel the intern” at INQUIRER.net’s TikTok account.
RELATED STORIES: