Kay Coyote, na walang sawang humahabol kay Road Runner | Inquirer Opinion
Love. Life.

Kay Coyote, na walang sawang humahabol kay Road Runner

/ 11:49 AM July 06, 2018

Wala akong magawa noong isang araw kaya nagbukas ako ng TV. Cartoons ang una kong hinanap. Kung anuman ang masasabi ni Freud sa kakulangan ko noong kabataan ko dahil nanonood pa rin ako ng cartoons sa edad kong ito ay pag-uusapan natin sa ibang pagkakataon. Looney Tunes. Beep, beep! Si Road Runner. Tawa ako ng tawa. Hinding-hindi mahuli si Road Runner. Pero bigla akong naawa kay Coyote. Habol siya ng habol. Lagi pa siyang nasasaktan – pinapasabog, nauuntog, nahuhulog sa bangin. Bigla kitang naalala. Kamusta ka na ba? Kamusta na ang nagmamahal?

Minsan, hindi ko masyadong naiintindihan kung bakit sa mga seminarista lumalapit ang mga taong may problema sa pag-ibig. Para kasing nagtatanong ka ng tamang paraan ng pagtakbo sa isang pilay, o ng tamang paraan ng pagbabasa sa isang bulag. Pero, sabi nga ng isang kaibigan dati, hindi kailangang mamatay para makapagsulat ng obitwaryo. Ganoon din siguro sa pag-ibig.

INQUIRER.net stock photo

Nalungkot ako nang makita kitang nasasaktan dahil sa pag-ibig. Ang una mong tanong sa akin, “Bakit ba kailangang umibig?” Hindi ko kailanman napag-isipan ang tanong na ito. Siguro dahil sa tinanggap ko na na kailangan nating magmahal. Hindi naman itinatanong ng isda kung bakit kailangan niya ng tubig, pero minsan, pakiramdam ko hindi nga alam ng isda na tubig pala ang tawag sa nilalanguyan niya. Ganoon din sa pag-ibig. Nagmamahal tayo dahil bahagi ito ng ating pagkatao. Nagmamahal tayo dahil ginawa tayo nang dahil sa, at para sa, pag-ibig. Sabi nga sa Bibliya, ang Diyos ay hindi lang umiibig. Siya mismo ang pag-ibig, at umiibig tayo dahil ito ang ating paraan na makisalo sa kalikasan ng Diyos.

Article continues after this advertisement

Pero bakit ang sakit magmahal? Kung ang pag-ibig ay pakikisalo sa pagmamahal ng Diyos, bakit ang sakit umibig? Sa sobrang sakit, sabi mo ayaw mo nang magmahal. Sa sobrang sakit, sabi mo sana utak na lang ang pinapagana mo. Sa sobrang sakit, hindi mo na nakikita ang halaga ng pag-ibig.

FEATURED STORIES

Masakit umibig dahil hindi tayo umiibig sa bato. Mas masarap magmahal ng bato. Hindi ka huhusgahan ng bato. Hindi ka nito iiwan. Pakikinggan ka nito palagi, at kailanman hindi ka niya aawayin. Pero, ganito ba ang tingin mo sa pag-ibig? Na, masaya ang lahat dahil nagsusubuan kayo ng ice cream, o kaya naman ay magka-holding hands kayo sa gitna ng mall? Kung ganito ang tingin mo sa pag-ibig, mas mabuti na nga sigurong bato na lang ang mahalin mo. Hinding hindi ka masasaktan.

Pero hindi ka rin naman makakaramdam ng pagmamahal. Dahil ang bato, hindi ka puwedeng damayan sa panahon ng pighati. Hindi ka nito puwedeng ngitian kapag kailangan mo ng pagpapalakas ng loob. Hindi niya kayang awayin ang mga kaaway mo, para lang gumaan ang pakiramdam mo. Hindi ka niya kayang yakapin. Hindi siya makakaiyak upang ipakita ang pighating kanyang nararamdaman dahil sa malungkot ka. Hindi nagmamahal ang bato.

Article continues after this advertisement

Dahil ganyan ang pag-ibig. Umiibig ka sa isang tao – taong kaya kang mahalin, pero kaya ka ring saktan; taong ipaglalaban ka ngunit maari ka ring iwan. Ang taong nagmamahal ay dadamayan ka pero baka rin siya pa ang maging sanhi ng sakit na iyong nararamdaman. Dahil sa pag-ibig, gumagawa ka ng desisyong mahalin ang isang tao na alam mong kayang gawing langit o impiyerno ang buhay mo. At sa desisyong iyan, kailangang sumugal. At ang mga hindi sumusugal, hindi nakakaranas ng tunay na pagmamahal. Sila yung mga umiibig sa bato.

Article continues after this advertisement

Kaya naiinggit ako sa iyo. Dahil minsan sa iyong buhay, nakaranas kang masaktan dahil sa pag-ibig. Ibig sabihin, ika’y umibig.

Article continues after this advertisement

Pero bakit ka nga ba nasasaktan? Nasasaktan ka kasi hindi ka niya pinapansin? Nasasaktan ka kasi mas masaya siya sa piling ng ibang tao? Nasasaktan ka kasi alam mong hindi mo kayang pantayan ang pag-ibig niya para sa iyo? Nasasaktan ka kasi ayaw mong baguhin ang buhay mo para lang sa kanya? Nasasaktan ka kasi natatakot kang iwan? Nasasaktan ka ba kasi ayaw mong makasakit?

Maraming rason para masaktan ka sa pag-ibig. At ngayon, alam ko na kung bakit sa akin ka nagtanong ng tungkol sa pag-ibig. Wala man akong minamahal ngayon (sa paraang romantiko), marami na rin pala akong napagdaanang sakit dulot ng pagmamahal.

Article continues after this advertisement

Yun bang magbubukas ka ng Facebook para lang hintayin siyang mag-online. Tapos, hindi mo siya icha-chat dahil magmumukha kang desperado. Pero galit na galit ka kasi hindi ka niya tsina-chat. Kaya magpopost ka ng kung anu-ano, tapos titingnan mo kung ila-like niya.

O kaya naman, ika-cancel mo lahat ng appointments mo dahil nag-invite sya. Tapos, hindi naman pala siya sisipot. Hihintayin mo siya buong araw at buong gabi. Kesehodang magmukha kang tanga. Kesehodang hindi mo magawa ang mga kailangan mong gawin. Basta pag sinabi niyang pupunta siya, titigil ang mundo mo.

O kaya naman, gagawa ka ng paraan para makatakas para lang makita siya. O kakapalan mo ang mukha mo para makapanligaw, tapos mababalitaan mo na lang na may nanliligaw na sa kanya at mukhang gusto niya. Tinigil ko ang panliligaw.

(Itong isang ito, sampung taon ko bago ko nalamang hindi naman pala talaga naging sila. Magkaibigan lang sila. Paranoid ako. Sayang. Ngayon, may asawa na siya, at magpa-pari ako. OK din naman pala.)

Marami na rin pala akong napagdaanang sakit sa pag-ibig. Pero hindi ko pa rin sinusukuan ang pag-ibig. Para kasi sa akin, kung walang pag-ibig, walang kulay ang mundo – walang buhay ang mundo. Mga bato na lang tayong kumakain, naglalakad, nag-aaral pero hindi naman buhay. Masakit magmahal pero ito siguro ang kapalit ng pagkakaroon ng buhay.

INQUIRER.net stock photo

Pero marami na rin akong nasaktan. Naalala ko nung nabasa ng nanay at tatay ko yung mga love letters ko sa una kong nobya. Grade five lang ako. Una ko rin siyang halik. Unang beses na nagbigay ng regalo. Unang beses na natakot. Magaling siyang magsulat. Kaya ako humanga sa kanya. At maganda siya. Pero nang nalaman ng mga teachers ko, natakot ako. Bigla ko na lang siyang hindi pinansin. Ganoon din yung nangyari sa ikalawa. Grade six ako. Kasama ko siya sa isang play – Sleeping Beauty. Tatay ako nung prinsipe. Sa backstage siya, gumagawa ng props. Ilang buwan din kaming OK. Natakot uli ako dahil akala ko hindi pa puwedeng magmahal ang isang bata. Hindi ko rin siya pinansin.

Ganoon din sa huli kong girlfriend. Ang tagal ko ring nanligaw. Classmate ko sa NatSci. Tapos, nung OK na ang lahat, natakot na naman ako. Ang dami kong pinasukang organizations. Akala ko hindi niya ako maiintindihan. Tapos sumabay pang nararamdaman kong gusto ko ulit magpari. Nakipag-break ako. Ako na naman ang nakasakit. Dalawa sa kanilang tatlo, isang araw, nag-chat. Pareho ang sinabi. Ikakasal na raw. Akala nila puwede na ako magkasal. Baka puwedeng ako na lang daw. Buti na lang sa Facebook. Kung kaharap ko sila, makikita nilang namumula ako. At hindi makahinga. Kasalanan ko naman e. Sayang. Pakiramdam ko buong college nung isa (magkaiba kami ng college e, sa Arts ako at sa Education siya), nagalit sa akin. Ang bait kasi tapos sasaktan ko lang.

Mahal kong kaibigan, nasasaktan ka dahil umaasa ka. Tama nga naman, pag nagmahal ka, masarap din namang mahalin ka rin. Pero hindi ka nagmamahal dahil may inaasahan kang kapalit. Hindi naman negosyo ang pagmamahal – walang barter dito, o discount, o sale. Lalo namang walang buy one-take one. Nagmamahal ka dahil gusto mong iparamdam sa isang tao na mahalaga siya sa iyo. Gagawin mo ang lahat para sa kanya. Nagmamahal ka para sa ibang tao, hindi para sa sarili mo.

Sabi ng iba, masama rin daw ang sumobra. May napakanipis na linyang naghahati sa pagmamahal at sa katangahan. Sorry, masyado bang harsh? Kasi naman, walang masamang magmahal nang buong puso. Yung pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Pero, hindi rin masamang isipin mo rin naman ang sarili mo. Kapag nagmumukha ka nang tanga, yun bang nababawasan na pati ang dignidad mo, mukhang hindi na tamang pagmamahal yan. Yun bang wala ka nang ginawa kundi umiyak. Yung siya na lang ang masaya sa relasyon niyo. Yung siya na lang ang mahalaga. Hindi puwede.

INQUIRER.net stock photo

Nang nagbigay ang Diyos ng dalawang dakilang utos ng pag-ibig, sabi niya mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ibig sabihin, ang sukat ng pagmamahal sa iba ay pagmamahal mo rin sa iyong sarili. Hindi mo maaring ibigay ang isang bagay na wala ka naman. Kaya kailangan mo munang mahalin ang iyong sarili, at kapag puno ka na, mas masarap ang agos ng pag-ibig para sa iba. Minsan, nagreklamo kang pakiramdam mo ay tuyong-tuyo ka na. Said na said ka na. At isa lang ang sinabi ko sa iyo: hindi makakapagbigay ng tubig ang balong walang laman. Bago ka magmahal, siguraduhin mo munang puno ka, at mayroon kang ibibigay. Dahil kung hindi, darating ang panahon magiging kasing pait ka na ng ampalaya. Yung bang panahong ayaw mo nang magmahal. At iyan ang pinakamasakit na bagay na maaring mangyari sa isang tao – ang unti-unting maging bato.

Ganito na ba ang pananaw mo sa buhay? Sumusuko ka na ba? Huwag naman sana.

Bakit ko nga ba sinulat ito? Siguro dahil nararamdaman kong napapagod na si Coyote na habulin si Road Runner. Yun bang naiisip niyang maghanap na lang ng ibang hahabulin, o kaya naman mag-kape na lang siya o kaya naman ay tumakbo na lang sa Olympics. Kahit ano, basta wag na lang habulin si Road Runner. Pero, gaya ng bato ni Sisyphus, ang paghabol ni Coyote ang nagbibigay ng kahulugan sa buhay niya. Alam naman niyang baka hindi niya maabutan si Road Runner. Pero sige lang. OK lang. Tumatakbo siya dahil gusto niya – kahit masakit o mahirap.

Pakiramdam ko sumusuko ka na sa pag-ibig dahil masakit. Dahil pagod ka na. Mahal kong kaibigan, huwag. Takbo lang. Kahit mag-mukhang tanga. Kahit masakit. Kasi siya ang mahal mo. Huwag mo akong gayahin. Mabilis natakot at napagod. Alam kong mahal mo siya. Ipaglaban mo. Takbo lang. Sa pagtakbo mo, naipapakita mo ang kanyang halaga. Kung hindi man siya lumingon, OK lang. Hindi ka naman nagmamahal kasi gusto mo mahalin ka. Nagmamahal ka dahil ito ang nagpapasaya sa iyo. Masakit at mahirap, pero masaya.

Isa lang ang dahilan para itigil ang anumang bagay na ating ginagawa – kapag hindi na tayo masaya. Hindi dahil masakit, hindi dahil napapagod na, kung hindi dahil hindi na tayo masaya. Pero pag dumating man ang panahong iyon, nawa’y sa iyong paghinto, matititigan mo na ang iyong Road Runner at makakapagpasalamat ka na nabigyan niya ng kahulugan ang buhay mo. At sa iyong pagtalikod, may makikita kang bagong Road Runner. At magsisimula ka ulit. Tatakbo ka ulit. Masasaktan. Mahihirapan. Pero masaya. At hanggang masaya ka pa, takbo lang. Sana nga mahuli mo na siya. Kung hindi, sigurado akong naghihintay lang ang Road Runner na para sa iyo. Beep, beep! Habol pa!

_

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Johnny A. Esmilla Jr., OSA, is from Seminario San Agustin, Intramuros, Manila. Jason to his friends, he went to the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, and is fond of looking at and observing people. Although a seminarian, he says that contrary to popular belief about the religious, he also knows how to love.

INQUIRER.net/Love.Life.

TAGS: Advice, Essay, essays, Love. Life, Priest

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

© Copyright 1997-2025 INQUIRER.net | All Rights Reserved

This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.