‘Buti nga’ | Inquirer Opinion
There’s The Rub

‘Buti nga’

Tatagalugin ko na at mukhang di mo talaga makuha. O kaya e nagbubulag-bulagan ka lang. Ang pinakamahirap gisingin ay di ’yung tulog kundi ’yung nagtutulog-tulugan, ang pinakamahirap  pakitain ay ’yung nagbubulag-bulagan.

Sa wakas lalabas ka na rin sa impeachment court? Sa wakas ay susugod ka na, wala nang urungan? “He’ll cross the Rubicon,” ayon nga sa mga bata mo sa depensa?

Ano nanamang drama ’yan? Pa-“I’ll cross the Rubicon, I’ll cross the Rubicon” pa kayo. At least noong tinawid ni Julius Caesar ang ilog Rubicon—isang kalapastangan sa mata ng batas Romano, mahigpit na ipinagbabawal na dalhin ng isang heneral ang kanyang tropa sa loob ng Roma lampas Rubicon dahil mga halal na opisyal lamang ang maaaring mamayani doon—pwede pa n’yang sabihing hinamak n’ya ang lahat para sugpuin ang corruption ng rehimeng Pompey. E, ikaw? Hahamakin mo ang lahat para lang itaguyod ang corruption ng rehimeng Arroyo? Sabi ni Caesar, “The die is cast.” E, ikaw pa rin, “The vice is cast?”

Article continues after this advertisement

Matagal mo nang tinawid ang Rubicon, sampu ng amo mong si Gloria Macapagal-Arroyo. Ginawa ito ng amo mo noon pang nakawin n’ya ang eleksyon ng 2004 sa pamamagitan ng kanyang master-thief sa Mindanao na si Virgilio Garcillano. Ginawa n’ya ito noon pang pinagsangkalan ka n’yang chief justice samantalang mayroon nang president-elect na si Benigno Aquino III at samantalang wala na s’yang kapangyarihan—ayon na rin sa batas na lagi mong sinasabing itinataguyod mo nang walang pasubali—na gawin ito. At ikaw naman, ginawa mo ito noong tanggapin mo ang alok ng pekeng presidente, kung hindi mo man binulabog ng walang humpay ang amo mo para maibigay ito sa ’yo. Matagal n’yo nang tinawid ang Rubicon, matagal n’yo nang hinasik ang kalapastanganan, matagal n’yo nang sinabing walang urungan sa katiwalian, patay kung patay.

FEATURED STORIES

Pero hindi naman pala talagang walang urungan, nakagugulat pa ba na wala kayong isang salita? Tamo ’yung amo mo, ayon urong-sulong, ayon nagpapaawa. Kesyo kelangan daw n’yang mag-abroad para magpagamot. Kesyo nahihirapan daw s’yang lumunok, nabubulunan. Bakit, di ba mga duktor ng St. Luke’s ang nagpagaling sa asawa n’ya matapos itong tamaan ng kidlat, or ng heart attack, sa Araw ng Pagkabuhay noong 2007? Paanong hindi s’ya mahihirapang lumunok? Mahirap talagang lunukin ang katas ng perang nakaw. At lalong mahirap lunukin ang kapangyahirang nakaw. At lalo pang mahirap lunukin ang pride, lalong-lalo na sa mga taong sakim sa poder, hindi mabubuhay nang wala sa posisyon, hindi mabubuhay nang walang ibang taong inaapi, hindi mabubuhay nang walang mga nakapalibot na tagapugay.

Pasensya na ha, pero bumenta na ’yang drama mo. Wala nang ikasasabik pa ang madlang pipol, o manunuod ng telebisyon, sa paglabas mo sa korte. Mas me drama pa ang mga palabas ni Raymart Santiago at Claudine Barretto sa loob at labas ng puting tabing. Lalabas ka na sa wakas para bigyang linaw ang $10-milyong account na ayon sa Ombudsman ay pag-aari mo? Matagal nang dapat nagkaroon ng kalinawan ’yan. Ikaw lang naman—at mga karantso mo sa Supreme Court—ang nagpalabo n’yan. Ikaw lang naman—at mga karantso mo sa Supreme Court—ang gumawa ng gusot. Kung pinabuksan mo ba ’yung dollar accounts mo noon pa, di matagal na nating nalaman kung meron ka ngang $10 million o wala. Kung di ba hinarang ng mga karantso mo sa Supreme Court ang pagbukas ng dollar accounts mo, di matagal nang nagkaalaman kung sino ang nagsisinungaling at sino ang nagsasabi ng totoo.

Article continues after this advertisement

Pero hindi, ginawa mo at ng mga karantso mo sa Supreme Court and lahat ng magagawa para huwag na huwag mabuksan ang mga accounts na ito. Kesyo labag sa banking laws. Kesyo labag sa civil rights at human rights, kung papayagan ito ay lubos na manganganib ang demokrasya, ayon pa sa katsokaran mo sa impeachment court na si Joker Arroyo. Samantalang ’yan mismo ang hinihingi ni Joker na gawin sa mga dollar accounts ni Estrada noong ito ang nakasakdal, ayon sa pagsisiyasat ni Raissa Robles.

Article continues after this advertisement

Ano ang magagawa ng paliwanag mo na hindi magagawa ng mas matibay, mas kapanipaniwala, at mas walang kaduda-dudang pagbukas ng mga dollar accounts mo?

Article continues after this advertisement

Malinaw naman na hindi magpaliwanag ang gusto mong gawin kundi lalong magpalabo sa usapin. Ngayon pa lang ay mahuhulaan na namin ang diskarte mo at ng mga bata mo sa depensa. Kagaya ng ginawa n’yo tungkol sa bilang ng mga bahay mo at iyong kamag-anakan, palalabasin n’yo sa pag-uusig kay Harvey Keh, Risa Hontiveros, at Walden Bello na hindi totoong mayroon kang $10 milyon.

E, ano ngayon kung hindi $10 milyon? Ano ngayon kung $5 milyon lang? Ano ngayon kung $20 milyon pala, sabi nga ng iba, at wala pa d’yan ang euros? Ano ngayon kung mali ang bilang ng Ombudsman? Ano ngayon kung mas malaki o mas maliit ang bilang ng prosekusyon? Ayos lang na mayroon kang milyun-milyong dolyares sa bangko na hindi mo idinedeklara? Ayos lang na mayroon kang isang dosenang mararangyang bahay at hindi doble n’yan? Ayos lang na magpatuloy ka sa pwesto dahil pinatutunayan n’yan na malinis kang tao? Ayos lang na ikaw pa rin ang maging mukha ng hustisya dahil pinapatunayan n’yan na matino kang tao?

Article continues after this advertisement

Naman naman.

Ewan ko sayo at mga katribo mo, pero sa ganang amin—kaming tinutukoy sa mga surveys na namamangha kung bakit nand’yan ka pa, palakasan lang talaga ng apog—sukang-suka na kami sa katiwalian, kawalanghiyaan, kalokohan. Ngayon pang nagkaroon sa wakas ng pagkakataon na puksain ang mga ito, di na kami bibitaw. Muling nagkaroon ng sigla ang mga katagang binigkas namin kay Marcos at Arroyo noon: Tama na, sobra na, palitan na. Panahon na para magkaroon tayo ng mas disenteng pamumuhay. Panahon na para magkaroon tayo ng panibagong buhay.

Lalabas ka sa wakas sa impeachment court?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Buti nga, nang magkabistuhan na.

For comprehensive coverage, in-depth analysis, visit our special page for West Philippine Sea updates. Stay informed with articles, videos, and expert opinions.

TAGS: Bajo de Masingloc, China, Department of Foreign Affairs, Diplomacy, Foreign affairs, geopolitics, international relations, Masinloc, panatag shoal, Philippines, Raul Hernandez, Recto Bank, Scarborough Shoal, Spratly Islands, spratlys, territorial disputes, territories, West Philippine Sea, Zambales

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

© Copyright 1997-2024 INQUIRER.net | All Rights Reserved

This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.